Ellice

Ellice

Sining ng Pakikipagtalastasan sa Filipino II | Sanaysay
Ateneo De Manila University
2nd Semester, S.Y. 2010-2011
My deepest thanks to Ms. Glenda Oris for giving us this assignment.

Hindi maikakailang siya ang nagsisilbing bahaghari na nagbibigay-kulay sa bawat araw ng huling halos dalawang taon ng buhay ko. Ang dating kinaiinisan kong prefect of discipline, na binansagan ko pang “bamboo stick” at “megaphone”, noong unang taon sa sekondarya ang ngayo’y tila malambot na unan na paulit-ulit kong nais yakapin at awit na araw-araw kong  gustong marinig. Hindi man ang pinakamagandang nobyang ninais ko, si Ellice ang natatanging babaeng nagpangiti sa akin at nagbigay ng pananabik sa dati kong nakababagot na buhay.

Hindi katulad ng karamihan sa mga babaeng lumaki sa Maynila, si Ellice ay simple lamang at tila di dinapuan ng kaunting arte at pagkasosyal sa katawan. Isang simpleng bestida o di kaya’y payak na blusa at pantalon lang ay siguradong babagay na sa payat niyang katawan, na ngayo’y unti-unti nang nagkakakorte, at mahahaba at perpektong mga binti. Hindi na niya kailangan pang magsuot ng “short shorts” upang mapansin ang magaganda niyang binti. Hindi rin siya kailanman nagmemake-up upang mapansin ang hugis-mansanas niyang mukha na may matangos na ilong, mga matang hawig kay Empress Schuck, at nakaaakit na labi na may ngiting parang kay Anne Curtis. Walang imported na pabango ang hihigit sa amoy niyang sobrang nakahahalina.

Taliwas sa kasimplehan niya, si Ellice ay tila mayroong built-in megaphone sa kanyang lalamunan. Maririnig mo ang kanyang normal na boses kahit sampung dipa ang layo mo sa kanya. Ang kanyang sigaw, aabot yata sa Kostka Hall kung manggagaling sa Gonzaga. Nakatutuwa mang isipin, ngunit ang maingay na boses na ito ay ang boses na hinahanap-hanap ko tuwing ako’y nalulumbay at naiinip. Ang boses na ito ang boses na nag-udyok sa akin upang ipahayag ang tunay kong nararamdaman sa ano mang bagay o sino mang tao.

Si Ellice, simple, mabango, ngunit maingay. Siguro, wala talagang nilikhang perpekto ang Diyos. Tanging mga tao lang na may kakayahang buuin ang araw ng isang tao sa isang ngiti lamang.

Advertisements